2.07.2010

Isang Bahagi ng Mapait na Kahapon


Ang bawat desisyon at may kaakibat na responsibilidad. Sa bawat sanhi ay may katumbas na bunga, ikaw na ang bahala kung pano mo ito sisipatin sa perspektibong ikaw na rin ang bahala kung alin ang mas magiging matimbang.


Hindi pera at mga materyal na bagay ang tunay na kukumpleto ng buhay. kung minsan, kung paano mong natatamasa ang kariwasaan at saka mo nauunawaang maaaring ang mga ito lamang ang kabayaraan sa mga pagtitiis na hindi nakikita ng mga matang nakatunghay sa iyo, o ng mga pag-aari at ng mga dapat mong pagbayaran.

Pilit sinisipat ang liwanag na dekada na ata ng lumipas mula ng huling masilayan. Maalinsangan sa pakiramdam ang hanging umiihip bagaman isang malaking bloke ng yelo ang hinihigan- pamamanhid ang pumapaiilanlan. Mas marami ang oras na nauubos, isang napakanda at di kagandahang pagkakataon upang mag-isip ng nakaraan, ng kasalukuyan at ng hinaharap. Para itong isang sirkus, nakakahilo, nakakatakot, nakakalula, nakakasuka, nakapanghihina. Bawat pagpatak ng naaaksayang oras ay katumbas ng isang taong parang habambuhay na nasayang, mga natutuhang natapon at mga pangarap na kumawala sa gitna ng katotohanan ng buhay.


Paulit-ulit, paikot-ikot ngunit iisa lang ang tinutumbok.


Napapagod ngunit walang pinatutunguhan.Masyado nang mahaba ang naging paglalakbay ngunit walang narating. Sinisikap buksan ang mga mata upang makita ang kabutihan ng paglihis sa pangarap subalit patuloy na nalulugmok sa katotohanan ng kabiguan.


Balot ng kapanglawan ang kahapong di maiwan-iwan. Gaano man pilitin, tila isa itong multong di matahimik- tumatangis. Patuloy na tinatahak ang kahabaan ng kawalan ngunit pawang walang hanggang kadiliman ang nilalakaran...

1 comment:

  1. Anuman ang naging nakaraan ay mahalaga sapagkat ito ay bahagi sa paghubog ng hinaharap. Naging mapait man ang kahapon, 'wag paapekto kaibigan, bagkus ay gamitin itong inspirasyon sa paghahanap ng iyong mithiin sa buhay. Hindi kailangang magmadali. Mas mainam na sa bawat tinatahak ay nakikita ang mensahe at aral ng buhay. Pakatandaan na ang kahapong binalot ng kahirapan, pagtitiis, kapanglawan o anu pa mang dagok sa buhay ay mas matibay na sandigan at tunay na kaligayahan ang mararamdaman sa panahong hawak mo na ang tagumpay.

    ReplyDelete