Sa mga pagkakataong tulad nito at kung mapalad na may makakausap, baka sakaling may makarinig... hinga ng malalim...
Ang mga araw ay napakabilis na lumipas. ang mga sandaling nagdaan ay katumbas ng bawat kurot ng ngiti, saya, tuwa, galit, inis, at panaka-nakang hilahil at pagdurusa. masasabing ganap na umikot ang mundong minsang ginalawan. kung saan nagmula'y heto at tila dito rin magtatapos. maraming nagbago. maraming nalaman. maraming kinalimutan. at ngayon ay kailangan muling lumabas upang di tuluyang lamunin ng tila kinagagawian.
Hinahampas papalayo ang mga balakid na naka-ambang sa pagitan ng mga nangalat na pilit inaabot. panahon naman upang isaisantabi ang matagal nang paglimot. nag-uumapaw. tumatapon. nasasayang. di marapat ang pinaglalaanan. inaalam ang pagkakakilanlan ng gumagapas.
Napakatulin sa pagmamadali ng takip-silim...
Habang ninanamnam ang mga nalalabing sandali upang silayan ang bawat pagkakataong lumilipas ay siya namang pananabik nito upang wakasan ang isang kabanata ng walang katapusang proseso, maging ito ay sa pag-usaad at pagbabago o sa katulad na kaganapan na may naiibang kwento.
ipinadarama nito ang pait kaya't lilisan habang nilulunod ang mga mata sa walang pagsidlang buting dulot na sa mga alaala na lamang babalik-balikan. mga dahilan at paraan kung paano lalagumin ang pagtatapos ng isa na namang bahagi.
Ipinagluluksa nito ang mga binayaan, nilimot, winalang bahala, kinitil at pinaglaho.nakasusulasok ang hanging napaiilanlan sa kaparangang na anupa't nayuyungyungan ng walang hanggang kalangitan.
Maraming takot, pangamba. takot sa kabiguan, nangangambang kung pagbibigyan ba ang pagkakataong tahakin ang ibang direksyon ay makakamit ba ang tunay na kaligayahan- yung pangarap na binuo at pinagsikapang maabot at matutunan, yung pinanalangin, yung inasam mula pa nung matagal na.
Tunay ngang hindi maaaring sa iyo lahat ang buhos ng swerte. hindi itinadhana ang buhay para makuha mo ang lahat ng iyong inaasam. kailangan mong magsikap hanggang sa makamit mo ang lahat ng sukli ng pagpapakahirap maging ito ay sa mabuti o sa hindi masyadong maswerteng kalalabasan. Kapag inabangan mo, lalong kumakaripas ng takbo.
Napakabilis. mahirap sabayan. mahirap habulin. napatunayan kong ang pagsisisi ay nasa huli.
Sa kabila nito, hindi mawari kung anong bahagi ng mga desisyon at aksyon ang dapat pagsisihan- kung mayron man at kung mayroon mang dapat sisishin ay ano o sino ito.
Sinabi sa amin ng isang guro ng makailang ulit noon na huwag iasa ang sariling hinaharap sa iba- babalik ka sa kasagutan na ikaw ang may responsibilidad sa iyong mga desisyon at aksyon sa buhay- ito ang pinakamapait na katotohanan.
Sadya ngang bilog ang mundo. sa paglalakbay mo rito ay hidi mo tanaw ang patutunguhan. subalit dapat kang patuloy na lumakad at kung hindi ay maiiwan ka nito. mabilis ang pag-ikot nito gaya ng pagtakbo ng oras. ang bawat panibagong araw ay kapareho lamang ng kahapon. walang bago. walang kakaibang pangyayari, walang dapat ikapanabik.pero may pag-aalala- ito na lamang ba ang magiging kalakaran ng buhay ko sa mga darating pang mga taon? kailan ako makakatakas? kaya ko ba? paano ko ito sisimulan. Sa pagbilang nga maraming araw simula ng pag-isipan ko ito ay pareho lamang ang kalakaran- puro balak. makailang daan nang umikot ang mundo, marami nang pagbabago, anupa't nandirito pa rin ako.
Mahabang panahon na ring pinagbigyan ang kapritso ng mga ngiting maturing dumaraan habang di natatapos ang pagsusumamo ng damdaming naghihimagsik sa kinasadlakan- ang tadhanang di gaanong makatarungan.
Nakakainip ang maghintay sa pagkakataong walang kasiguraduhan kung kailan darating at kung darating man. pilit na punupuno ng pag-asa ang isip ang puso bagaman balot ng takot at pangamba na baka mauwi lamang sa wala ang lahat ng paghihintay.
Lumilipas ang bawat araw. habang nadadagdagan ang mga araw ay siya namang unti-unting paghina ng katatagan para mabuhay. bakas ang pagiging duwag- isang napakalaking kahangalan.
Pabigat nang pabigat ang pagdadala ng bawat araw. bagay na habang sinisikap kong yakapin at ibuhay ay siya naman nitong pag-iwas papalayo sa akin. hindi mapakali ang isip at ang puso, pilit nitong isinusuka ang bawat pagkakataon. hindi na matanggap. suko na sa bigat na nararamdaman.
Ang totoo ay pinilit ko itong pakamahalin ng buong puso pero pilit din nitong ipinauunawa sa akin na wala talaga dito ang pag-ibig. ito ay kakaibang pag-ibig- hindi gaya ng pag-ibig na nauunawaan at limitadong naaarok ng karamihan. nakataya dito ang buhay at ang mga pangarap na unti-unting pinaglalaho sa pagtagal.
Maraming isinasaalangalang- yaong realidad ng buhay, 'yong inaasahan sa akin, yung sasabihin ng iba at yaong sasabihin ng nagdidigtang pinakikinggan.
Kung tutuusin, para sa kapakanan ng mga pinagdaanan ay marami rin naman itong kaligayahang dinulot, mga natutunan at mga nakilala, narating, natuklasan, iba't ibang karanasan, maging ng mga nabilang na tagumpay o mga nilunok na kapalaluan ngunit kapalit ang pagtanggap sa mapait na katotohanan. ito ang kinailangan kong bunuing ibuhay sa loob ng mahaba-haba na ring panahon. bawat araw ay may mga pagyanig. sandaling mararamdaman ang kapayapaan at saka muling magbabalik ang mainit na simoy ng hangin- nakakapaso.
Masyadong maaksyon at pasikut-sikot ang mundo ng pakikibaka. napakalawak at di mabilang ang kahulugan. maaaring mahaba pa ang tatakbuhin, maaaring may iba pang mundong lalakbayin. maaari ring hanggang dito na lang o hanggang doon na lang. may nagsasabing ang tadhana ay hindi lamang isang umuusbong na pagkakataon kundi bagay na maaaring balakin at tuparin subalit kung pakaiisipin ay tiyak na ang pahayag na ito ay walang konkretong kasiguraduhan anupa't ang lahat din naman ng ito'y siguradong may kahihinatnan...
No comments:
Post a Comment