6.30.2010

WOINK sa HS

Hala! Ang tagal na mula nang huling mapadpad sa ating yahoo groups...

Nakatutuwang isipin na sa kabila ng maraming taon mula nang iwan natin ang isang bahagi ng kabataang sabay-sabay nating kinalakhan na kahit ang iba sa atin ay di na muli pang nasisilayan ang isa't isa mula nang huli nating makita, kahit paano ay naiibsan ang pangungulila sa tulong ng makabagong teknolohiya at ang minsanang pagkikita. Dangan, nakalulungkot ding isipin na tila may ibang nagsimula na o maaaring tuluyan nang lumimot- lumimot na masabik sa pagbabalik-tanaw at tumangkilik sa mga panukala at gawaing magsisilbing daan para sa masaya bagamat maiksi at minsanang pagsasama-sama.

Hindi maipagkakailang napakaraming taon na ang lumipas mula nang matapos ang hayskul na maaaring ang iba eh wala nang alaalang mabalikan pero, wala nga ba? o talagang ayaw na? nahihiya ba? o ikinahihiya nang makita ang sarili kasama ng mga taong pinatanda na ng panahon eh mistulang mga bata kung umasta sa tuwing nagkikita-kita?

OO, lahat tayo mayroong pinagkakaabalahan sa buhay. Lahat tayo mayroong prayoridad at responsibilidad. Hindi magkakatulad ang atas sa atin ng oras. Maaaring ang hilig mo ay di ayon sa hilig ng karamihan- kumain, uminom, magswimming o simpleng kwentuhan lang. Maaaring hindi ka makasabay sa kwentuhan o di mo hilig ang uri, tema o paraan ng kwentuhan. Walang pera, iba ang gusto mong kasama o gusto mo ikaw lang ang mag-isa-- sige, idahilan mo ang lahat ng 'yan. Mukha ngang tuluyan ka nang binago ng mundong kinikilala mong kinalakhan mo mula nang bagtasin mo ang daan palabas ng new era elementary o new era high school. Walang maaaring sumisi sa iyo kung pinili mong huwag na itong balikan- sarili mong desisyon iyan.

Ang bawat pagsasama-sama ay di isang kapritso lamang. Hindi payabangan. Hindi pataasan ng napag-aralan o pagsukat sa layo ng naabot at napuntahan. Hindi tuwirang kalayawan. Hindi pagpula sa karapatan o paniniwala ng isa. Simple- isa lamang itong paraan upang manatiling buhay at matatag pagkakaibigang minsang nabuo, hinulma; kasabay nating natuto, lumaki at umunlad na nagsimula sa apat na sulok ng silid ng paaralang minsan nating naging palaruan, tahanan at pinagmulan ng hitik na karunungang nabasa man o hindi nagmula sa lahat  ng aklat, at karanasan na hindi nabuo na wala ang mga taong minsan nating tinawag na "kaibigan".

No comments:

Post a Comment