7.12.2010

Saloobin ni Bareng

Maaaring kulang pa ang habambuhay upang tuklasin o maranasan ang hiwaga ng bawat bahagi ng buhay, pagkakataon at pagkatao maging ito ay sa kapwa o sa ganang sarili...

Nagnais lamang naman ng masayang buhay. Yaong tahimik, matiwasay. Nagsikap maging masunurin para lamang makasunod. Nagnais na makalugod sa kapwa, sa mga kaibigan, mahal sa buhay, magulang at sa Maykapal. Sinikap buuin ang ang pangarap na di sarili ang naghanay. Hindi na kinailangan pang mag-isip; pinilit na lamang na ang mga ito ay masunod at magawa.

Naging matahimik at maingat ang paminsan-minsang pagsuway at paglihis sa matuwid, makatikim man lamang ng inaakalang masasandalang bantulot na kalayaan. Hindi nakakinggan ng anumang tanong ukol sa mga pagsubok at  pagkakataong pinagdaraanan at dumarating. Binayaan ang mga itong dumaan at lumisan sa paniniwalang maaaring ito ang sariling kapalarang itinakda. Bagamat malawak ang mundong nag-aabang, batid na balot pa rin ang buhay na ito ng sisidlang patuloy sa pagsikip. Hindi na nagiging sapat kahit pa ang  pagpapakalunod sa malimit na magdamagang kasiyahan upang lumimot at saka magpatuloy. Kung minsan hindi pa man malayo ang nalakbay at tila sinislat na ang katatagan sa pagtahak sa buhay. May mga pagkakataon talagang hindi madaling intindihn ang ang mga pahiwatig ng mundo at ng buhay para sa mga limitadong nalalaman at nauunawaan. May mga pagkakataong sadyang di maiwasang mangibabaw ang takot at pangamba at ang pinakamadaling matakbuhan ay ang matahimik na pag-iisa.

Mahirap magsalita. Mahirap ang magsabi ng tunay na nilalaman ng puso at isip. Mahirap ang makasakit ng mga taong nasa paligid at lalong masakit na marinig ang mga ito ng pandinig na mula sa sariling bibig.

Tumitila ang ulan. Pumapayapa ang kapaligiran kasabay ng pagtuyo ng umagos na luha. Kasabay ng pagtahimik ng malalakas na dagundong ng kulog at ng kidlat ang mga hikbi ng pangungulila, pagkasiphayo at pag-iisa. Ang pagsilip na muli ng araw ay siya namang pagkubli ng  mga nagsusumigaw at nagwawalang isip at damdamin na pansamantalang nakisabay sa malayang pagtangis ng kalangitan. Nagliwanag nang muli ang kapaligiran kaya kailangang muling lumabas at makipagbunyi gaya ng kinasanayan at inaasahan; ngumiti at tumawa gaya ng marami.

Hindi ito isang simpleng bagay o pagkakataon. Wala rin namang direktang kinalaman kaninuman. Maaari ngang kailangan ko lamang maging ako upang tanggapin ako ng ginagalawan kong mundo. Masakit at isang kabalintunaan nga lamang kung minsan na hindi ko na matiyak kung iyon pa rin ako sa ginta ng pamantayang itinakda ng kung sinuman para sa mundong ito.

No comments:

Post a Comment