11.08.2010

Nais

Heto na naman at nakatanghod sa maitim na blangkong pekeng papel. Ito ang isa sa mga pinakananais kong gawin noong mga panahong ni hindi ko ito mapaglaanan ng panahon. Palaging sa puslit na paraan o sa mga pagkakataong pinaka hindi ko pinakaaasahan o napaghahandaan dumarating ang mga dagundong at pangungulit ng mga bulong, sigaw at nakabibinging katahamikan. Pagnanais na lumaya sa katotohanang ang sagot ay ang pakikiharap sa mga ito habanag patuloy na nakikisalamuha sa malikot at magulong mundo ng imahinasyon, retorika at paghihimagsik sa gitna ng literal at materyal na mundo. Sa paliguy-ligoy ko higit na naunawaan ang mga bagay na di ko nabigyang-tapang na unawain sa direktang paraan. Ito ang naging mundo ko. Marami akong natutunan sa paligid, sa kapwa at higit sa lahat sa aking sarili. Hindi ko ito inasahan, ni inisip, ni pinaghandaan subalit ito ang ganap na nagbigay sa akin ng lakas at kalayaan.

Ang taon na ito ay isa sa mga tumatak na hinding hindi ko maiwawaglit kailanman sa aking buhay. Marami akong nalaman, natutunan, naramdaman, narating, nasubukan, kinatakutan, gayundin ang nalampasan; may mga nilisan, nilimot, binalikan, hinayaan na lamang; niyakap habang mayroon ding sa kalaunan ay di na ganap na mabigyan ng malinaw na turing. Ayaw ko man itong iwan, ang tumatawag na ay ang tila nagmamakaawang ibang pangangailangan at kinakailangan naman itong pagbigyan. Kailangan ko na muling harapin ang buhay.

Totoong tao. Totoong buhay. Totoong Kwento. Ito ang saligan ng pag-asa ko. Ang mga ito ang nais kong makita, marinig, marating, maabot; pagyamanin at ibahagi. Di man tuwiran, kahit paano ay maging kaisa man lang. Nandirito ang kaligayahang pinakahahangad ko.

Makasarili subalit dito ko nais mawaksi bilang saksi at nagnanais ako ng kahit karampot na pagbabago. Kahit hindi biglaan, kahit hinay-hinay lang. Bahagi ito ng bakas na ninanais kong iwan kaya't heto na— aking sinisimulan na.

No comments:

Post a Comment