8.05.2010

Labinlima

Nakagapos sa gitna ng mundong malaya mula sa puslit na kalayaang alok tabing ng hitik na mapanghalina. Sige pa. Nais pa. Kayang kaya pa.

Limang araw para sa nalalabing lima. Napopoot ang walang hanggan, tumatangis para sa nananaghoy na nag-isa. Nagsasakripisyo ang kaliwang kanlungan sa paglaya ng dapat ay gumagawa ng tama. Pilit kinakalagan ang mga gapos na nagkukubli lamang sa lantad na lihim ng mapupusok na kaingayan, ng di maisambitlang sigaw sa gitna ng mapanglaw na katahimikan.

Di matinag ang mga dagundong na nauupos sa bawat pagdilim ng ningas na nagsilbing daluyan sa bawat pansamantalang pagpukaw ng pinaniniwalaang daan sa paglasap ng panandaliang pagpaparaos ng nagdurusang kasarinlan.

Matatapos din ang lahat bagaman ni panahon ay walang kasiguraduhan. Gayunpaman, patuloy pa rin sa pagkalugmok ang mga di matuldukang katanungang ang tanging katarungan lamang ay makabanaag ng kahit karampot na kasagutan.

Maituturing nang tagumpay ang mapagtagumpayan ang mahabang tunggalian mula pa ng ito ay kamulatan, malaman, itanggi, simulan at iwan; babalikan, katahimikan; di namamalayang darating, yayakapin at saka di na maitakwil; mangangako, liliko at bubulalas ang di manawang ayaw mamaalam na dustang kalagayan.

Liwanag ang pag-asa sa lingid na walang kapagurang pagnanasa para sa paglaya mula sa karimlang di maiwaksi ang katapusan- kung mararating man, takot ang sumasagisag sa hilakbot ng nagbabadyang mitsa ng pagkabuwal na kailan.

Iisa na. Ito ang para sa nilalayong huli na. Sige na. Marapat. Sana. Kailangan.

No comments:

Post a Comment