*ang talang ito ay sagot sana sa isang blog ng isang siguradong nagpapapansin na blogger, dangan nga lamang at sa malamang na may takot at pagsisisi na niyang binura ang kaniyang lugmok sa kahihiyang iresponsableng pagpapahayag.
![]() |
| Natamasang kalayaan at karapatan ay may kaakibat na responsibilidad; ang isang ito ay wala sa nabanggit. |
lubhang nakahahabag ang nilalang na ito.
tunay ngang hindi mo maaaring piliin ang iyong pinagmulan o magiging bunga ng lahi, ng nasyon o ng bayang iyong iluluwal. nakapanghihinayang ang pagbubuwis ng buhay ng ating magigiting na bayani sa mga nagdaang panahon maging ang mga bayani at naghahandog ng karangalan sa Pilipinas sa makabagong panahon na nabahagi ng isang ito. kung mayroon lamang silang magiging mahabang listahan ng mapag-aalayan ng mga nakamit na ito, tiyak na marapat walang puwang rito ang nilalang na ito.
sa iyo, kung sinuman ang nananamantalang angkinin ang kalayaan sa pagpapahayag ng saloobin sa pamamagitan ng pamamaraang ito, kung ikinahihiya mong ikaw ay Pilipino, mas lalong walang tatanggap sa iyo pa lamang pagpapahayag na ikaw ay Pilipino (diba nga, sinabi mong ikinahihiya mong IKAW ay PILIPINO). nais mong palitan ang iyong pagkamamamayan? siya namang palagay kong kahit ang pozo negro ay tatanggihang higupin di lamang ang pagkamamamayan (na sukat minalas sa iyo pa napunta) kundi ang iyong pagkataong higit pang nanlilimahid at umaalingasaw.
hindi rin makatarungang pati ang iyong mga magulang ay madamay sa usaping ito subalit nakalulungkot na bilang pinalaking anak ay ganito ang naging pagpapalaki sa iyo. kung sa bagay, hindi rin naman kami nakatitiyak kung nalalaman nila ang iyong mga ganitong gawain na kung sila ay nasa tamang pag-iisip ay kanila kang sasawayin.
anuman ang iyong saloobin, isipin o hinanakit kung mayroon man sa ating bayan o sa iyong sarili, pagpalain ka nawa ng langit na siya ring nakayungyong sa Pilipinas na aming bayan, sa kinikilala mong magigiting at mauunlad na bayan o sa kung saang lupalop ka man napakakanlong at nananahan.

No comments:
Post a Comment