sa mga unos ng kahapon,
nandirito pa rin;
patuloy ang pag-inog,
di napapatid—Salamat.
sa dami ng dumating at lumisan sa buhay na ito, sa maraming pagkakataon, sa mga karanasang kinapalolooban ng pagpapalitan ng mga galak at pagluha, sa lahat lahat lahat— sadyang hitik ang dahilan para maging mapagpasalamat at magdiwang hindi lang ng miminsan sa isang taon kundi sa bawat araw sa piling ng pinakamagaganda at di matutumbasan ng anumang halagang mga tao, mga kaibigan, mga mahal sa buhay. sa dami ng maaaring matutunan, maranasan, o marating ay pinakamasarap pa ring mabatid na ang pinakapayak subalit wagas na kaligayahang dulot ay di mapasusubaliang nagmumula sa mga ito.
tiyak na marami pang pagdaraanan at sasagupain sa mundong ito. maaari ring dumating ang mga pagkakataon ng panghihina ngunit sa kabila nito, tangan ang mga aral ng kahapon, pagtahak sa ngayon upang marating ang maliwanag na hinaharap, patuloy na dapat manghawak at magpakatatag sa pag-asa dulot ng lakas, pagmamahal ng mga dahilan ng inspirasyon, pagpupunyagi at pagsusumikap.
Sa mga Magulang na Kaloob ng Langit, sa pagkatuto at pagpapayo, lalo na sa mahal na mahal kong Mama; sa mga Kapatid na kaloob ng Kapalaran, sa laman, kahalalan at mga karanasan; sa mga Pambihirang Tao, pusa, maging mga Aso; sa lahat ng salik at puwersang humulma sa dalawampu't tatlong taon ng pag-iral; at Lalong Higit sa Lahat sa Kaniya, nag-uumapaw pong pasasalamat =')
No comments:
Post a Comment